Sunday, August 2, 2009

PAGTATANGHAL NG DULA SA KOLEHIYO NG SINING

Segundo C. Dizon*
College of Arts, PUP

Ang Dula ay isinulat upang itanghal sa mga manonood, hindi upang basahin lamang ng mahina o malakas sa silid-aralan. Ang manunulat ng dula ay karaniwan na nagiging anino na lamang ng mga tauhan. Ang bawat salita ng mga tauhan ay binibigkas o ipinararating sa mga manonood ng mga nagsisiganap. Ito ang diyalogo o pag-uusap ng mga tauhan na binibigyang buhay ng mga aktor.

Bukod sa diyalogo, mahalaga rin sa dula ang pagkilos ng gumaganap; ang pagbabagu-bago ng damdamin mula sa malungkot hanggang sa masaya, o ang kabaligtaran nito. Mahalaga ring ipadama o ipakita sa mga manonood ang panahon at lugar ng pangyayari. Malaking tulong din sa dula ang pagbibihis sa mga aktor ng akmang kasuotan, pagpinta ng mukha, pag-iilaw sa tanghalan at paglapat ng tunog o musika.
Katulad ng mga kuwentong nasusulat sa prosa, ang dula ay binubuo ng mga sumusunod na elemento: (1) mga tauhan, (2) tagpo, (3) buod ng salaysay o ang pagkakasunod-sunod ng mga pangyayari, (4) tema o paksa, (5) mensahe, (6) estilo, at (7) paraan ng pagsasalaysay. Ang buod ng salaysay o ang tinatawag nating "plot" sa Ingles ay nagsisimula sa paglalahad ng tagpo at paglabas sa tanghalan ng mga tauhan. Magsisikilos at magtatagpo-tagpo ang mga tauhang ito na may kani-kaniyang pag-uugali, pag-iisip, at layunin na hahantong sa tunggalian. Ang tunggalian ang pinakadiwa ng dula. Kung walang tunggalian, wala ring dula. Mag-iibayo ang antas ng tunggalian na lilikha ng krisis sa mga tauhan. Ang krisis ay aakyat sa kasukdulan hanggang sa ito ay sumabog na parang bulkan. Katulad ng buhay, ang dula ay hindi palagiang nasa kasukdulan. Huhupa ang tensiyon hanggang sa makalas ang pagkakabuhul-buhol at masalimuot na mga pangyayari sa buhay ng mga tauhan.

Ang dula ay isang uri ng makahulugang komunikasyon o ang tinatawag natin sa Ingles na "Communicative Language". Ang bawat salita na napaploob sa dula ay makahulugan at ang makhulugang pag-uusap ng tauhan ng dula ay naglalayong ipadama at ipaintindi sa mga manonood.

Halos lahat ng mga guro sa Kolehiyo sa Sining ay sumubok na ng iba’t ibang paraan sa pagtuturo ng iba’t ibang asignatura. May mga paraang matagumpay at mayroon din namang hindi. Ngunit sa maraming taon nating pagtuturo ay nakasisiguro tayo na ang ating mga mag-aaral, mapalalaki’t mapababae, maging ano pa man ang kurso o hilig nila sa buhay ay lulukso ang dugo kapag ang paraan ng pagtuturo ay pagtatanghal ng dula.

Ang ating mga mag-aaral, saan mang probinsya o lalawigan naggaling, anuman ang kanilang likas na salita o "dialect", ay marami ang alam na salita sa wikang Filipino, Ingles, Kastila, Nihonggo o Pranses mula sa pagbabasa at pagsusulat na ating itinuturo sa silid-aralan. Ngunit alam ba nila ang kahulugan ng mga salitang ito kapag ginamit na sa tunay na buhay?

Ang pagtatanghal ng dula ang magbibigay sa mag-aaral ng tunay na kahulugan ng bawat salitang galing sa kahit ano pa mang wika na nakaukit sa kanilang isip.

Kahit sino ay maaring gumanap o maging bahagi ng isang dula. Ito ay totoo. Kahit sino ay nangarap kahit minsan na mapag-ukulan ng pansin ng mga manonood o nakikinig. Itaga ninyo sa bato - walang sinisino ang dula.

Paano tayo makapagsisimula sa pagtatanghal ng isang dula? Ano ang paraan nating gagamitin upang mahikayat natin ang mag-aaral na magtanghal ng dula sa silid-aralan?


Una: Alisin natin ang tensyon, inhibisyon, at pangamba sa ating mag-aaral sa klase. Dapat rin nating alamin ang kanilang natatanging talento. Ipadama natin sa ating mga mag-aaral na ang guro ay tao ring katulad nila–humahalakhak, lumuluha, natutulog, kumakain, at kung minsan ay nagagalit. Kailangang matanto ng ating mag-aaral na ang kanilang guro ay totoong tao, hindi tuod at hindi diktador.

Isaisip nating mga guro na ang silid-aralan ay isang laboratoryo ng mga karanasan sa buhay. Sa laboratoryong ito ang ating mga mag-aaral ay maaring matuto sa kanilang mga pagkakamali ng walang kaparusahan. Gawin nating isang malaking grupo ang ating mga mag-aaral at patunayan natin na tayo ay kaisa ng grupo.

Sa mga paaralang ang mga mag-aaral ay hindi likas na nagsasalita ng wikang ginamit sa dula, malaking tulong para sa kanila na magsanay sa pagasasalita ng malinaw, malakas, at walang pangamba o alinlangan. Kung ang mag-aaral ay matutong magsalita nang malinaw at walang pangamba at alinalangan sa loob ng klase, magkakaroon siya ng magandang personalidad. Ito ay magiging simula ng pagiging panatag ang loob ng mag-aaral sa pagharap niya sa mga bagay-bagay sa pang araw-araw na buhay.

Pangalawa: Sa pagpili ng dulang itatanghal sa silid-aralan, tiyakin natin na ito ay malapit sa puso ng ating grupo at may kaugnayan sa paksa o tema na dapat talakayin sa silid-aralan. Ang diyalogo ay simple at makahulugan sa bawat buhay ng gaganap at manonood na mag-aaral. Maaring pumili tayo ng isang simple, malungkot o masayang dula na angkop sa pang araw-araw na buhay ng mag-aaral. Makabubuting magtanghal tayo ng isang dula na may isang tagpo. Sa simula ay hayaan nating basahin ng mag-aaral ang dula. Alamin nila ang kahulugan ng mga salita, ayon sa sitwasyong ibinibigay ng dula. Bilang tulong sa paghahanda ng dula, magbigay ng sapat na panahon sa pagtalakay nito. Magbigay ng ilang katanungan:

1. Bakit isinulat ang dula?
2. Ano ang ibig iparating ng may-akda?
3. Nais ba lamang ng may-akda na maglarawan ng buhay-buhay sa isang lugar?
4. Sinu-sino ang mga tauhan?
5. May kilala ba tayong tulad nila sa tunay na buhay?
6. Kailan at saan nangyari ang dula?

Ang lahat ng ito ay dapat munang talakayin ng mga mag-aaral bago magsanay ng kanilang bahagi o gagampanan sa dula.

Sa pagsasanay ay napakahalaga ng paraang pagsasalita at pakikinig. Ito ay isang paraang magbigay kahulugan sa mag-aaral ng bawat salita sa dula.
Narito ang proseso ng Pagsasalita at Pakikinig. Ang aktor na magsasalita ay siya lamang titingin sa iskrip. Babasahin niya ang iskrip nang tahimik at pagkatapos ay titingin siya sa kanyang kausap. Lahat ng kanyang matatandaan ay sasabihin niya sa kanyang kausap. Ang nag-uusap ay kinakailangang magtinginan at hindi nagbabasa ng iskrip. Dahil kung ang isang aktor ay nagbabasa, mas naririnig niya ang kanyang sarili kaysa sa kanyang kausap. Ang aktor ay kinakailangang makinig upang maintindihan niya ang nilalaman ng diyalogo ng kanyang kausap. Sa ganitong paraan ay magkakaroon siya ng ideya kung paano siya sasagot. Ang lahat ng gumaganap sa iba pang tauhan ng dula ay dapat makinig sa nagsasalita at hindi nagbabasa ng iskrip. Maaari lamang tumingin sa iskrip kung tapos na ang nagsasalita. Kung hindi tayo makikinig, hindi natin matatanto kung ano ang ating isasagot. Magsanay tayo: Narito ang mga diyalogo ng dula sa Inulilang Tahanan.
Sundan ang Script sa nicenet.org - DRAMA class - password number - A2zz076D48…..

Ang mag-aaral na nagsasaulo ng diyalogo ay mabilis na mabibigkas ang kanyang mga linya. Totoo na ang paraang pagsasalita at pakikinig ay may kabagalan at mangangailangan ng sapat na panahon ng guro at mga mag-aaral. Ngunit ang mag-aaral na nagsaulo lamang ng kanyang linya ay walang ipinag-iba sa isang loro na nanggagagad ng mga salita at hindi naman natatanto ang kahulugan. Samantala, ang mag-aaral na natutuhan ang diyalogo sa sistemang pag-uusap at pakikinig ay magiging makahulugan ang bawat salitang Filipino o Ingles na kanyang bibigkasin. Sa pagtuturo ng anumang wika sa pamamagitan ng dula, iiwasan natin ang madaliang pagsasaulo ng mga diyalogo sa mga mag-aaral. Sa bawat diyalogong bibigkasin ng aktor, malaking tulong sa mga mag-aaral na masagot ang mga ito: (1) Bakit ko sinasabi ang naturang Linya? (2) Ano ang inaasahan kong gagawin ng aking kausap kung sakaling sabihin ko ito sa kanya? (3) Ano ang aking nararamdaman sa sitwasyong aking kinapapalooban? Kung alam ng gumaganap ang mga kasagutan sa mga ito, hindi na kailangan pang ituro ng guro and tamang galaw ng katawan, tamang intonasyon, at makahulugan pagbigkas ng diyalogo. Malaking tulong rin ang damdamin sa makahulugang pagbigkas ng diyalogo. ang mga pamdamin na tao ay magkakatulad. Lahat tayo ay marunong magalit, umibig, malungkot o matuwa. Ngunit may kanya-kanya tayong paraan sa pagsisiwalat ng damdamin. Kapag natitiyak ng mag-aaral ang kanyang damdamin, walang salang magiging tama ang kanyang pagbibigay buhay sa tauhan at pagkakaintindi sa wika ng dula.

Narito ang ilang katanungan na maaring magbigay ng tamang kahulugan sa diyalogo ng dula:

1. Kung ako ang nasa ganitong sitwasyon, ano ang aking gagawin?
(Huwag tanungin sa sarili kung ano ang gagawin ng nasabing tauhan ng dula).
2. Kung ako ang nasa ganitong sitwasyon, paano ako kikilos?

Kung ganito susuriin ng mag-aaral ang mga tauhan ng dula na kanilang gagampanan, mabibigyang linaw nila sa kanilang mga sarili ang anumang wika na kanilang bibigkasin.

Ang isa pang paraan sa pagtuturo sa pamamagitan ng dula ay ang paglikha ng sitwasyon na mayroon tunggalian o ang tinatawag natin sa Ingles na improvisation. Lumikha tayo ng mga sitwasyon na magtutulak sa mga mag-aaral na mag-iisip at magamit ang kanilang kaalaman sa paksa ng aralin. Huwag natin silang bigyan ng iskrip. Hayaan natin silang lumikha ng karapat - dapat na diyalogo sa loob ng konting panahon na ating ibinigay. Magsimula tayo sa dalawa hangang sa tatlong mag-aaral. Ang ganitong paraan ay hahatak tiyak ng interes at damdamin ng buong grupo. Magpapalawak din ito ng imahinasyon ng mga mag-aaral.

Subukan nating gawin ang mga sitwasyon at gampanan ang mga tauhang sumusunod:

1. Isang aplikante na ayaw na ayaw umupo sa silya at paulit-ulit namang pinauupo ng administrador habang ginagawa ang panayam.
2. Isang pakikipag-usap sa telepono na aantig o gugulantang sa mga manonood sa dakong huli ng pakikipag usap.
3. Isang matandang biyuda at isang matandang biyudo na nagkabanggaan sa luneta at magkakamabutihan.

Ngayon ay matatanto natin na ang pagsasanay at pagtatanghal ng dula ay isang mabisang paraan sa pagpapalawak ng kaalaman sa mga asignatura sa Kolehiyo ng Sining.

Sa pagtatanghal ng dula sa silid-aralan, lumalalim at lumalawak ang kaalaman ng mag-aaral sa paksang tinatalakay sa pamamagitan ng paggawa at pagganap sa mga tauhan ng dula. Sa kabilang dako, ay binibigyan rin natin sila ng kasiyahan at katuparang pansarili sa pamamagitan ng pagganap sa mga tauhan ng dula o di kaya ay sa kanilang naitulong para sa ikagaganda ng isang dula. Maraming aral rin ang matututunan ng manonood. At ang pinakamahalaga ay ang mabigyan natin ang ating mga mag-aaral ng mga mumunting tagumpay sa bawat dulang kanilang itanghal. Ang mga mumunting tagumpay na ito ay hindi nila malilimutan. Pagnagkagayon, ang pagtuturo ng mga asignatura sa Kolehiyo ng Sining katulad ng Introduction to Humanities, Literature, Philosophy, Sociology, History at Psychology sa pamamagitan ng dula ay magiging malalim at malawak na karanasan sa bawat mag-aaral.


____________________________
*Prof. Segundo C. Dizon (Dodi Dizon) is the Director of the University Center for Culture and the Arts, P.U.P and the Chair of the Master in Communication Program of the P.U.P Graduate School.
Tags:

1 comment: